Natalo Rin Si Pilandok (Pabula)

Natalo Rin Si Pilandok (Pabula)

Maging maingat sa iyong pakikitungo sa mga taong tuso at manloloko upang maiwasang maging biktima nito.


Kilala si Pilandok sa kanyang pagiging tuso at mapanlinlang. Katunayan, madalas na panlilinlang o panloloko ang ginagamit ni Pilandok sa kanyang mga laban kaya naman lagi siyang nananalo. Subalit sa pagkakataong ito, bumalik sa kanya ang mga nagawa niyang panloloko o panlilinlang kaya siya naman ang natalo. Sino kaya ang hayop na nakatalo sa kanya. Isa kaya itong malaki at makapangyarihang hayop? At sa paanong paraan kaya niya natalo ang Pilandok? Halina’t iyong alamin.

Isang hapon, mainit ang sikat ng araw kaya’t nagpasya ang matalinong pilandok na magpunta sa paborito niyang malinaw na batis upang doon magpalamig at uminom. Isang malaki at gutom na gutom na baboy-ramo pala ang nakatago sa gilid ng malalabay na puno at naghihintay ng anumang darating na maaaring makain. Nang makita niya ang pilandok ay agad na nagningning ang kanyang mga mata. Mabilis siyang lumabas at humarang sa daraanan ng pilandok. “Sa wakas, dumating din ang aking pagkain. Gutom na gutom na ako sa maghapong hindi pagkain, Pilandok, kaya’t humanda ka na dahil ikaw ngayon ang aking magiging hapunan,” ang tatawa-tawang sabi ng baboy-ramo. Kitang-kita ng pilandok ang matutulis na ngipin at pangil na baboy-ramo.

Takot na takot ang pilandok dahil alam niyang sa isang sagpang lang sa kanya ay tiyak na magkakalasog-lasog ang kanyang payat na katawan subalit hindi siya nagpahalata. “Kawawa ka naman baboy-ramo, maghapon ka na palang hindi kumakain,” ang sabi na tila awing-awa nga sa kalagayan ng kausap. “Puwede mo nga akong maging pagkain pero alam mo, sa gutom mong iyan at sa liit kong ito, tiyak na hindi ka mabubusog sa akin.” Ang dugtong pa nito.
“Kung gayon, ano ang gagawin ko? Gutom na gutom na ako!” ang malakas na sigaw ng baboy- ramo.

“Ha! Matutulungan kita riyan, Baboy-ramo,” ang sabi ni Pilandok habang mabilis na nag-iisip. “Tao, tao ang dapat mong kainin para mabusog ka. Sasamahan kita sa paghahanap ng isang taong tiyak na makabubusog sa iyo”. ang paniniyak nito.

“Ano ba ang tao? Tiyak ka bang mabubusog ako sa tao?” ang tanong ng baboy-ramo.

“Ang tao ang pinakamalakas na hayop sa buong mundo,” ang sagot naman ng  pilandok.

“Mas malakas pa kaya sa akin?” ang tanong ng baboy-ramo habang hinihipan at pinalalaki ang kanyang dibdib.

“Oo, malakas talaga ang tao subalit sa talas ng iyong mga ngipin at pangil, at sa bilis mong tumakbo, tiyak na kayang-kaya mong sagpangin at kainin ang tao,” ang pambobola pa ng pilandok sa baboy-ramo.

Nahulog na nga ang baboy-ramo sa bitag ng pilandok. Paniwalang-paniwala ito sa kanyang matatamis na pananalita. “Kung gayon, samahan mo na ako sa tao at nang ako’y makakain na. Basta’t tandaan mo, kapag hindi ako nakakain ng tao ay ikaw pa rin ang magiging hapunan ko,” sabi ng baboy-ramo sa pilandok.

“Oo, basta, ako ang bahala sa iyo. Tiyak na mabubusog ka, kaibigan,” ang paniniyak pa ng pilandok sa baboy-ramo.

Naglakad-lakad nga ang dalawa sa kagubatan hanggang sa mapunta sila sa isang talon. Nakarinig sila ng tinig ng isang batang tila tuwang-tuwa sa paglangoy. Nakita nila ang isang batang lalaking nagtatampisaw sa batis na nasa ibaba ng talon. “Iyan, iyan na ba ang tao? Susunggaban at kakainin ko na,” ang mabilis na sabi ng baboy-ramo.

“Kaibigan, hindi pa iyan ang tao. Sumisibol pa lang iyan kaya’t hindi ka pa masisiyahan diyan,” ang sagot ng pilandok.

“Kung gayon, saan natin makikita ang taong gagawin kong hapunan?” ang naiinip nang tanong ng baboy-ramo.

“Doon, sag awing hilaga,” ang sagot ng pilandok.

Nakakita sila ng isang taniman ng mga kamote. May isang matandang lalaking nagtatanim. Nakabaluktot na ang likod niya at nakalalakad na lamang sa tulong ng baston.
“Iyan na ba? Iyan na ba ang taong gagawin kong hapunan? Ayoko niyan, payat at ni hindi ako matitinga riyan,” ang sabi ng baboy-ramo.

“Tama ka, kaibigan. Payat masyado iyan at hindi ka mabubusog diyan. Tira-tirahan na lang iyan. Hindi iyan nababagay sa isang matikas na baboy-ramong tulad mo,” ang muling sabi ng pilandok.

Galit na ang baboy-ramo.” Kung gayon, saan ko makikita ang taong kakainin ko? Gutom na gutom na ako! Niloloko mo lang yata ako eh. Ikaw na lang ang kakainin ko!” ang gigil na sabi nito sa pilandok.

“Huwag! Huwag, kaibigan. Hayun na, hayun na ang taong laan para sa iyong hapunan,” ang sabi ng pilandok sabay turo sa isang matikas at matangkad na mangangasong naglalakad sa gilid ng gubat.

“Tiyak na mabubusog ka riyan dahil malaman iyan at tiyak, hindi mo na gugustuhin pang kumain ng isang munting hayop na tulad ko pagkatapos mo siyang makain,” ang nakangising sabi ng pilandok.

“Tama ka, Pilandok. Ito na nga ang hapunan ko,” ang sigaw ng baboy-ramo sabay sugod sa nabiglang mangangaso. Subalit nabigla man at natumba ang mangangaso ay mabilis pa rin itong nakabangon at napaputok ang dalang ripple kaya’t tinamaan ang baboy-ramo.

Nakahinga nang maluwag ang tusong Pilandok. Ngayon siya nakadama ng matinding uhaw kaya’t naisip niyang muling bumalik sa batis upang ipagpatuloy ang naputol na pag-inom. Tahimik na umiinom ang pilandok nang bigla niyang maramdamang may sumunggab sa kanyang isang paa. Paglingon niya ay nakita niya ang buwayang makailang beses na niyang nalinlang. Alam niyang galit sa kanya ang buwaya pero galit din siya rito dahil sa lagi siyang pinipigilang umiinom sa batis.

Sa halip na magsisigaw sa sakit ay mabilis na umisip ng solusyon ang matalinong pilandok. “Hay naku, kawawa naman ang buwayang ito. Hindi niya makilala ang pagkakaiba ng patpat sa paa ng isang usa,” ang tila nang-uuyam na sabi ng pilandok.

Subalit hindi siya binitawan ng buwaya. Sanay na kasi itong naiisahan ni Pilandok kaya ngayon ay natuto na siya. Baka isa na namang patibong ito ng pilandok.

Subalit hindi tumigil doon ang pilandok. “Buwaya, bulag ka ba? Patpat lang ang kagat-kagat mo. Heto ang paa ko, o,” ang malakas na sabi niya sabay taas sa isang binti. Biglang binitawan ng buwaya ang kagat-kagat nap aa ng pilandok. Akmang susunggaban n asana nito ang isang paang itinaas ng pilandok nang mabilis itong makalundag palayo. Sising-sisi ang buwaya, naisahan na naman siya ng matalinong pilandok

Habang naglalakad pauwi ang pilandok ay nasalubong niya ang isang suso. Dahil maliit ang suso ay naisip ng Pilandok na kayang-kaya niyang magyabang dito. Hinamon niya ang suso sa
isang karera at anong laking gulat niya nang pumayag ang suso at nagsabi pa itong kayang- kaya niyang talunin ang pilandok.

Ang hindi alam ng pilandok ay kalat na kalat na sa kaharian ng mga hayop ang kanyang pagiging tuso o mapanlinlang kaya’t napaghandaan na ang suso ang araw na siya naman ang maaring pagdiskitahan ng pilandok. Kinausap na niya ang kanyang mga kapatid. Magkakamukha sila at aakalain mong iisang suso lang sila dahil sa kanilang parehong- parehong itsura.

Nagsimula na nga ang karera. Agad umarangkada at tumakbo nang ubod bilis ang pilandok. Subalit paghinto niya sa kalagitnaan upang silipin kung nasaan na ang kalaban ay anong laking gulat niya nang magsalita ang suso. “O, ano Pilandok, pagod ka na ba?” ang tanong nito. Gulat na gulat sa kung paanong nagawa ng suso na mauna pa sa kanya kaya’t mabilis na tumakbo uli ang pilandok hanggang sa makarating sa dulo ng karera nang halos lumawit ang dila sa pagod. Subalit, hayun at nauna na naman ang suso na ipinagbubunyi na ng ibang mga hayop bilang nagwagi. Hindi makapaniwala ang pilandok na natalo siya ng isang suso. Natalo niya ang mabangis na baboy-ramo, natalo niya ang malaki at mahabang buwaya, minsa’y naisahan na rin niya ang isang matalinong sultan subalit, heto, siya naman ngayon ang natalo ng isang munting suso. Kinamayan niya ang suso at buong pagpapakumbaba niyang sinabi,”Suso, kung sa paanong paraan mo man ginawa iyon, tinatanggap kong tinalo mo ako.

Matalino ka nga. Binabati kita at dahil diyan, ipinangangako kong iiwasan ko na ang ginagawa kong panlalamang sa kapwa.” Muling nagbunyi ang mga hayop sa nakarinig kay Pilandok.


Do Not Sell My Personal Information
- ListPH.com | Top List Philippines