Alamat ng Isla ng Pitong Makasalanan

Alamat ng Isla ng Pitong Makasalanan

Noong unang panahon, isang matandang mangingisda at ang kanyang pitong anak na dalaga ang naninirahan sa isang tahanang nakaharap sa baybayin ng Dagat-Bisaya. Ang kanilang tirahan ay nasa bayan ng Dumangas, isang bayang nasa gawing hilagang-silangan ng lalawigan ng Iloilo na bahagi ng Isla ng Panay. Araw-araw makikita ang pitong dalagang masayang nagsasagawa ng mga gawaing-bahay o kaya nama’y nasa dalampasigan at nagtatampisaw o masayang lumalangoy, naghahabulan, at nagtatawanan. Tila sila mga nimpang kay gaganda habang nakikipaghabulan sa mga alon sa baybayin.

Alamat ng Isla ng Pitong Makasalanan
Ang kagandahan ng pitong dalaga ay bantog hindi lang sa kanilang bayan kundi maging sa malalayong lugar. O kaya naman, hindi kataka-takang ang kanilang tahanan ay dinarayo ng maraming binatang naghahangad na makuha ang kamay ng isa sa mga dalagang napupusuan. Mahal na mahal ng ama ang mga anak at ang labis niyang ikinatatakot ay ang makapag-asawa ang sinuman sa kanyang mga dalaga ng mga lalaking maaaring maglayo sa kanya. “Sana, kung makakahanap man ng mapapangasawa ang aking mga anak ay tagarito lang sa aming isla upang hindi sila mapalayo sa akin,” ang naibubulong ng ama sa sarili habang pinagmamasdan ang kanyang mga anak na abala sa mga gawaing bahay.

Isang araw nga ay isang pangkat ng makikisig na binatang mangangalakal ang dumating sa kanilang bayan. Nabalitaan din pala ng mga binata ang kagandahan ng mga dalaga kaya’t nagsadya sila sa bayang iyon hindi lang para sa kanilang mga kalakal kundi para makilala rin ang mga dalaga. Sakay sila ng magagara at mabibilis na bangka.

Mamahaling regalo ang ibinigay ng mga bisita sa mga dalaga. Naging mabilis ang pagkakaunawaan ng pitong dalaga at ng pitong binatang estranghero. Inanyayahan nilang magtungo sa kanilang bayan ang pitong dalaga na agad namang nagsipayag.

Subalit hindi naging madali ang paghingi nila ng pahintulot sa kanilang ama. “Hindi n’yo pa kilala nang lubusan ang mga bianatang iyan. Bakit kayo sasama? Hindi ako papaya.” Ang matigas na wika niya kahit pa nagpupumilit ang kanyang mga anak na sumama sa mga binata.

Isang araw, habang nasa dagat at nangingisda ang ama ay gumawa ng isang mapangahas na pasya ang mga dalaga. “Sasama ako sa aking kasintahan, sa ayaw at sa gusto ni Ama,” ang wika ng panganay na si Delay.

“Ako man, ako man,” ang sunod-sunod na sabi ng iba pang dalaga. Sinamantala ng magkakapatid ang pag-alis ng ama upang mangisda. Bitbit ang kani-kanilang mga pansariling gamit ay sumakay ang mga suwail na anak sa tatlong bangkang dala ng mga binata palayo sa kanilang tahanan.

Nang sila’y nasa bahagi na ng baybayin ng Guimaras kung saan nangingisda ang kanilang ama ay natanaw niya ang tatlong bangka ng mga estranghero lulan ang kanyang pitong anak na dalaga. Buong lakas na sumagwan ang ama para mahabol ang kanyang pinakamamahal na mga anak subalit lubhang mabagal ang kanyang maliit na bangka kompara sa makabagong bangka ng mga estranghero kaya hindi na niya nahabol ang mga anak.

Buong pait na lumuha at nagmakaawa ang ama sa kanyang mga anak. “Mga anak, huwag kayong umalis. Bumalik kayo!, ang walang katapusang pagsigaw at pagmamakaawa ng ama habang patuloy siya sa paggaod subalit hindi siya pinakinggan ng walang turing niyang mga anak. Laylay ang mga balikat sa matinding pagod sa paggaod at sa labis na kalungkutan sa paglisan ng kanyang mga anak, walang nagawa ang matanda kundi lumuha nang buong kapaitan. Wari’y nakidalamhati sa kanya maging mga kalangitan sapagkat ang maliwanag na sikat ng araw ay biglang naparam at sa halip ay napalitan ng pagdilim ng himpapawid. Gumuhit ang matatalim na kidlat na sinabayan ng malalakas na dagundong ng kulog. Biglang pumatak ang malakas na ulan kaya’t walang nagawa ang matanda kundi umuwi na lamang.

Sa kanyang pag-uwi ay isang napakatahimik at napakalungkot na tahanan ang kanyang dinatnan. Hindi napigil ng matanda ang muling pagluha nang masagana. Wari’y sinasabayan din ng malalakas na patak ng ulan sa bubungan ng kanyang ulilang tahanan ang walang katapusang pagluha ng kaawa-awang matanda. Labis-labis ang kanyang kalungkutan at pangungulila sa kanyang mga anak. Sa kabila ng ginawa ng mga suwail na anak ay ang kanila pa ring kaligtasan ang inalala ng ama lalo pa’t masamang panahon ang kanilang nasalubong sa paglalakbay.

Kinaumagahan, indi pa sumisikat ang araw ay pumalaot na ang matanda. Inisip niyang maaaring sumilong ang bangka ng mga estranghero dahil sa sama ng panahon nang nagdaang gabi. Baka sakaling mahabol niya pa ang kanyang mga anak. Subalit anong laking pagtataka niya nang siya’y nasa laot na. Nakatanaw siya ng maliliit na islang tila isinabog sa gitna ng laot sa pagitan ng kanilang isla ng Dumangas at isla ng Guimaras. Sa lugar na ito siya nangisda kahapon at alam na alam niyang walang mga islang tulad nito sa lugar nang nagdaang araw.

Kinabahan ang matanda at kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso ang mabilis niyng paggaod papunta sa mga mumunting isla. Anong laking panlulumo niya nang makita ang nagkalat na bahagi ng bangkang sinakyan ng kanyang mga anak na nakalutang sa paligid. Binilang niya ang mumunting isla. Pito! Pito rin ang kanyang mga anak na dalaga. Humagulgol ang matanda. Parang nahulaan na niya ang nangyari. Nalunod ang kanyang mga anak nang ang sinasakyan nilang mga bangka ay hinampas ng malalakas na along dala ng biglang pagsama ng panahon kahapon at sumadsad sa mga korales at matatalas na batuhan kaya nagkahiwa-hiwalay ang mga ito.


Ang mga mumunting isla ay tinawag na Isla de los Siete Pecados o Mga Isla ng Pitong Makasalanan. Ito ay bilang pag-alala sa pagsuway at kasalanng nagawa ng pitong suwail na dalaga sa kanilang mapagmahal na ama.

{source}

Do Not Sell My Personal Information
- LISTPH.COM