18 Mga Uri ng Anyong Tubig (Bodies of Water)

Module again? Ito ang ilan sa mga halimbawa o uri ng Mga Anyong Tubig o Bodies of Water na maaaring iyong hinahanap para sa iyong project, module, o assignment. Ang mga halimbawa ng mga anyong tunig ay: karagatan (ocean), dagat (sea), ilog (river), sangang-ilog (tributary), wawa (estuary), delta, look (bay), golpo (gulf), lawa (lake), bukal (spring), kipot (strait), bambang (channel), talon (falls), batis (brook, creek), danaw (laguna), imbakan ng tubig (reservoir), kanal o agusan (kanal) at piyordo (fjord). Tingnan ang kumpletong listahan sa baba kasama ang kani-kanilang mga kahulugan.

LIST: Halimbawa ng Anyong Tubig (Body of Water)


1. Ang karagatan (ocean) ay ang pinakamalawak at pinakamalalim na anyong-tubig. Maalat ang tubig nito. Kabilang sa mga kilalang karagatan ay ang Karagatang Pasipiko, Karagatang Atlantiko, Karagatang Indiyano, Karagatang Artiko, at ang Katimugang Karagatan.

2. Ang dagat (sea) ay malawak na anyong-tubig na mas maliit lamang ang sukat sa karagatan. Maalat ang tubig ng dagat sapagkat nakadugtong ito sa karagatan. Nabibilang sa mga dagat sa Pilipinas ang Dagat Luzon, Dagat Pilipinas, Dagat Sulu, Dagat Celebes, at Dagat Mindanao. Sa ibayong-dagat, ilan sa mga dagat ay Dagat Timog Tsina, Dagat Dilaw, Dagat Bering, Dagat Mediteraneo, Dagat Karibe, Dagat Itim, at Dagat Pula.

3. Ang ilog (river) ay isang mahaba at makipot na anyong tubig na umaagos patungong dagat. Nagmula ito sa maliit na sapa o itaas ng bundok o burol. Kabilang sa mga ilog sa Pilipinas ang Ilog Agusan, Ilog Marikina, at Ilog Agno. Sa ibang bansa naman ang Ilog Yangtze, Ilog Ganges, Ilog Nilo, Ilog Mississippi, at Ilog Amazon.

4. Ang sangang-ilog (tributary) ay isang batis o ilog na dumadaloy sa pangunahing tangkay (o magulang) na ilog o lawa.

5. Ang wawa (estuary) ay isang bahagyang nakasarang anyong tubig sa baybaying-dagat na may isa o higit pang mga ilog o sapang dumadaloy rito, at may malayang koneksiyon sa bukas na dagat.

6. Ang delta ay ang lokasyon kung saang dumadaloy ang ilog sa karagatan, dagat, wawa, lawa, o imbakan ng tubig.

7. Ang look (bay) ay isang anyong-tubig na nagsisilbing daungan ng mga barko at iba pang sasakyang-pandagat. Maalat din ang tubig nito sapagkat nakadugtong ito sa dagat o sa karagatan. Ang Look ng Maynila, Look ng Subic, Look ng Ormoc, Look ng Batangas, at Look ng Iligan ay halimbawa ng mga look sa Pilipinas. Sa ibayong-dagat, kabilang sa mga look ay Look ng Bengal, Look ng Korea, at Look ng San Francisco.

8. Ang golpo (gulf) ay isang malawak na look. Ilan sa mga tanyag na golpo ay ang Golpo ng Leyte at Golpo ng Lingayen sa Pilipinas, at Golpong Persiko at Golpo ng Mehiko sa ibang bansa.

9. Ang lawa (lake) ay isang anyong tubig na napapaligiran ng lupa. Ang Laguna de Bay, Lawa ng Lanao, at Lawa ng Naujan ay mga halimbawa ng mga lawa sa Pilipinas. Ang mga halimbawa sa ibang bansa naman ay ang Lawa ng Michigan, Lawa ng Victoria, at Lawa ng Baikal.

10. Ang bukal (spring) ay isang anyong tubig na nagmula sa ilalim ng lupa.

11. Ang kipot (strait) ay isang makitid na daang-tubig na nag-uugnay sa dalawang malaking anyong tubig tulad ng dagat o karagatan. May kabuuang 200 ang kipot sa Pilipinas dahil sa pagiging kapuluan nito. Kabilang dito ang Kipot ng San Juanico sa Silangang Kabisayaan.

12. Ang bambang (channel) ay isang pisikal na hangganan ng isang ilog o karagatang kipot na binubuo ng sahig ng anyong tubig at mga pampang. Ilan sa mga kilalang bambang ay ang Bambang ng Bashi at Bambang ng Balintang sa Pilipinas, at ang Bambang ng Inglatera sa Europa.

13. Ang talon (falls) ay isang matarik na pagbaba ng tubig sa isang sapa. Kabilang sa mga talon ay ang Talon ng Maria Cristina sa Pilipinas at Talon ng Anghel sa Timog Amerika.

14. Ang batis (brook, creek) ay isang ilug-ilugan o saluysoy na patuloy na umaagos na tubig.

15. Ang danaw o laguna ay isang mababaw na anyong tubig na nakahiwalay mula sa mas-malaking anyong-tubig sa pamamagitan ng mga pulong barrera (barrier islands) o bahura.

16. Ang imbakan ng tubig (reservoir) ay isang lugar na nagpapa-imbak ng tubig para sa maraming mga paggamit (lalo na ang maiinom na tubig) na maaaring likas o artipisyal. Isa sa kilalang mga imbakan ng tubig sa Pilipinas ay ang Angat Reservoir sa Bulacan (iniimbak ng Saplad ng Angat).

17. Ang kanal o agusan ay isang artipisyal na daanang tubig na karaniwang nakaugnay sa (at kung minsan, ini-uugnay ang) umiiral na mga lawa, ilog, o karagatan. Kabilang sa mga tanyag na kanal ang Kanal Suez at ang Agusan ng Panama.

18. Ang piyordo (fjord) ay isang makipot na inlet ng dagat sa pagitan ng mga bangin o matarik na mga dalisdis.


Do Not Sell My Personal Information
- LISTPH.COM